Nais kong mamilosopiya:
Ikalawa: "walang katapusang relief goods"
Kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan at pananalasa ng hangin, bumuhos din at nanalasa ang relief goods sa halos lahat ng pamayanang naapektuhan ng kalamidad. Ano ba ang laman ng isang supot na relief goods na ipinamimigay sa mga nakapila? Sardinas, noodles, bigas, sitsirya, at minsa isang pirasong lumang damit. Ang tanong ko: 'Para kanino ito? Sino ang kakain? Gaano katagal kakainin? May susunod pa ba? Pwede pa bang bumalik sa pila? Kumuha ako ng isang supot na relief goods. Isang sardinas (walang abrelata), isang kilong bigas na NFA (walang lutuan), dalawang maliit na sitsiryang 'piattos' (pweede ng papakin), isang small used shirt, at isang bottled water. Kung ang relief goods na ito ay para sa isang pamilya na binubuo ng lima katao (halimbawa): tatay, nanay, tatlong anak na maliliit na nawalan ng kabahayan at kabuhayan paano at hanggang kailan nila ito pagsasaluhan. Ang ibang nasa pila sa sandaling mabigyan ng relief goods na nasa plastik ay tinatatakan sa braso para hindi na makabalik. Hindi ko alam kung indelible ink ang gamit na tinta sa pagtatatak para di-agad mabura.
Ang tawag ko sa relief goods operations na ito ay "maski paps relief goods operations" dahil kitang-kita na hindi pinaghandaan at pinagplanuhan, ng kung sino mang nagmamagandang-loob na mamudmod ng panandaliang pagkain sa mga taong muling magugutom, ang pamimigay nai to. Meron bang kalidad ang laman ng bawat supot ng relief goods na ito? Purga sa noodles, purga sa sardinas, purga sa sitsirya, blah blah blah. Maituturing bang tulong ito o patakam o pabitin lamang sa mga taong nagugutom at nauuhaw? Sabagay, maraming pulitiko ang natutuwa sa prosesong ito ng pamumudmod ng relief goods dahil nakapagpapa-cute sila sa harap ng kamera. Kaya para makatanggap ang masang nagugutom, kailangan nilang magdasal na sana dumating na ang camera man para mabigyan na sila ng mga supot ng pakain ng ilang pulitikong kaharap nila. Natitiyak kong hindi maliit na halaga ng pera ang ginastos para sa malawakang relief goods operations na ito. Ang huli kong tanong:'Nabusog kaya ang mag-anak na tumanggap ng supot ng pagkain?
Sunday, October 4, 2009
Subscribe to:
Posts (Atom)