Sunday, October 4, 2009

PACKING CENTERS

Nais kong mamilosopiya:

Ikalawa: "walang katapusang relief goods"

Kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan at pananalasa ng hangin, bumuhos din at nanalasa ang relief goods sa halos lahat ng pamayanang naapektuhan ng kalamidad. Ano ba ang laman ng isang supot na relief goods na ipinamimigay sa mga nakapila? Sardinas, noodles, bigas, sitsirya, at minsa isang pirasong lumang damit. Ang tanong ko: 'Para kanino ito? Sino ang kakain? Gaano katagal kakainin? May susunod pa ba? Pwede pa bang bumalik sa pila? Kumuha ako ng isang supot na relief goods. Isang sardinas (walang abrelata), isang kilong bigas na NFA (walang lutuan), dalawang maliit na sitsiryang 'piattos' (pweede ng papakin), isang small used shirt, at isang bottled water. Kung ang relief goods na ito ay para sa isang pamilya na binubuo ng lima katao (halimbawa): tatay, nanay, tatlong anak na maliliit na nawalan ng kabahayan at kabuhayan paano at hanggang kailan nila ito pagsasaluhan. Ang ibang nasa pila sa sandaling mabigyan ng relief goods na nasa plastik ay tinatatakan sa braso para hindi na makabalik. Hindi ko alam kung indelible ink ang gamit na tinta sa pagtatatak para di-agad mabura.
Ang tawag ko sa relief goods operations na ito ay "maski paps relief goods operations" dahil kitang-kita na hindi pinaghandaan at pinagplanuhan, ng kung sino mang nagmamagandang-loob na mamudmod ng panandaliang pagkain sa mga taong muling magugutom, ang pamimigay nai to. Meron bang kalidad ang laman ng bawat supot ng relief goods na ito? Purga sa noodles, purga sa sardinas, purga sa sitsirya, blah blah blah. Maituturing bang tulong ito o patakam o pabitin lamang sa mga taong nagugutom at nauuhaw? Sabagay, maraming pulitiko ang natutuwa sa prosesong ito ng pamumudmod ng relief goods dahil nakapagpapa-cute sila sa harap ng kamera. Kaya para makatanggap ang masang nagugutom, kailangan nilang magdasal na sana dumating na ang camera man para mabigyan na sila ng mga supot ng pakain ng ilang pulitikong kaharap nila. Natitiyak kong hindi maliit na halaga ng pera ang ginastos para sa malawakang relief goods operations na ito. Ang huli kong tanong:'Nabusog kaya ang mag-anak na tumanggap ng supot ng pagkain?

Monday, September 28, 2009

ANG MGA PLASTIK NI ONDOY

BAGYONG "ONDOY"

Nais kong mamilosopiya:

Una: Plastik
Dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig na umabot sa mga bubong ng mga kabahayan ng maraming residente, di mabilang ang nagutom at nauhaw. Marami ang nagkusang-loob na maghanda at maghatid ng pagkain. Unahan, agawan at walang katapusang pila sa pagkain. Nakiusyoso ako sa nagyayari. Instant pansit canton, zest drink, bottled water, naka repacked na bigas ang kalimitang laman ng isang plastic bag na merong "tatak" kung kaninong "kamay" galing ang naturang pamatid-gutom. Hindi ko interes sa isyung ito kung paano kakainin ang mga hilaw na pagkain lalo na kung walang paglulutuan. Ang interes ko ay ang lalagyan. Ang pansit canton, zest drink, bottled water, bigas ay may kani-kanyang plastic na kinalalagyan. Ang lahat ay nakalagay naman ng sama-sama sa iisang plastic bag para madaling maipamudmod, maihulog at maibato sa mga nagugutom na walang lutuan.
Ilang residente sa mga sinalanta ang nabigyan ng mga pagkaing nasa plastic? Kung susumahin ilang pirasong plastic ang naipamahagi sa mga nagugutom? Sa sandaling kunin ng isang indibidwal ang lamang pagkain ng mga nasa plastik, saan naman kaya niya ilalagay ang mga pinaglagyan? Ibubulsa at itatapon kaya sa basurahan paghupa ng tubig-baha? Paano kung walang bulsa ang salawal, bibitbitin kaya niya ang mga basurang ito habang inililikas at inililigtas ang sarili o hahayaan na lamang na itapon sa rumaragasang tubig-baha? Nakikita kaya ng madla ang magiging epekto ng mga panibagong basurang-plastic na ito? Karamihan ng mga nasa media ay laging nagpapaalala sa mga mamamayang tagapakinig at tagapanood ng kani-kanilang estasyon at programa na iwasan ang pagtatapon ng mga plastik na basura kahit saan... meron ba sa mga taga media sa kasagsagan ng pagbaha at pamumudmod ng mga pagkaing nasa plastik na lalagyan ang nagpaalala sa mga tao na "huwag itatapon ang mga plastik na pinaglagyan ng pagkain kung saan saan kasi magbabara yan sa mga imburnal..." Sa mga lugar na dinaanan ng rumaragasang tubig-baha ay makikitang na-trapped sa mga rehas o kawad ng kuryente ang mga basurang plastik na lalagyan na itinapon (kung saan-saan) ng sambayanang Pilipino. Mag-ingat po ang lahat. Meron na namang delubyong darating na dala ng mga basurang plastik!

Sunday, September 27, 2009

dumating na ang oras... the time has come... l'ora e' giunta...

Isang tanong, isang sagot ang layunin ng aking blog na nakatuon sa mga taong gustong magtanong tungkol sa iba't ibang disiplina, pamumuhay, pagpapahalaga, pamumuksa, at kahit anong merong may kaugnayan sa isang indibidwal o grupo ng mga indibidwal... kaya, aking inaanyayahan at nirarahuyo ang sino man na meron at walang interes para magtanong, umangal, magreklamo, magpapansin, pagpakyut at iba pang katulad nito kung medyo o sagad na masagasaan o mapukaw ang isip at damdamin (kung meron man) tungkol sa aking mga ipoposte at ipababasa ... in other words, anyone is invited to participate to this kind of 'blog forum' to dig more deeper some societal or individual problems in order to come up with a solution and answer for the betterment of man as an individual and a social being... Jesus is not the answer because there is no posted question... dunque, voglio invitare ogni persona a condividere su questo blogspot per trovare soluzione riguardo dei problemi della vita humana, giustizia e pace, e la salvaguardia del creato.